
I love you, Papa



Sulat para sa tatay kong astig… Tagalog lang tayo sa post na ito dahil hindi naman kami english mag-usap ni papa, casual-lan lang natin.
Pasko, December 25, 2020.
“Sobrang proud ako sa’yo anak. Hindi ko lang parati nasasabi sa’yo ‘yan, pero sobrang proud ako sa’yo.” Gumagaralgal mong sinabi sa akin ‘yan habang kumakain tayo nitong pasko. ‘Yun na pala ang huling maayos na pag-uusap natin, papa.
If there are three words to describe you, it would be kind, humble, and soft-hearted. Napakabuti ng puso mo, dahil sa 25-taon ng aking buhay, bilang lamang sa daliri ang masasabi kong mabuti talaga, at isa ka dun, papa. Napakabuti ng puso mo — pusong hindi mapanghusga, pusong puro at totoo.
Maraming salamat sa sakripisyo, kabutihan, mga pangaral, at walang katumbas na pagmamahal. Maraming salamat sa tiwala at sa respetong ibinigay mo sa aming magkakapatid at kay mama.
Wala akong masabi sa’yo, papa dahil napaka-ayos mong ama at asawa kay mama.
Parating sinasabi nila na magkaugaling-magkaugali tayo, mula sa personalidad, hilig sa musika, arts, at kita mo nga naman, tayo lang ang magka-blood type sa ating pamilya, pareho pa tayong AB+. Hindi ko naman ‘yun napapansin ‘yun noon, pero habang umaandar ang oras na wala ka, nagugulat ako na ang dami nga nating similiraties.
Marami pa sana tayong plano, kung may pinakamasakit dito, ito ‘yung alam kong hindi na tayo makakapagkwentuhan muli. Ang mga dad jokes mo na bentang benta parati at ang walang katapusan mong pang-aasar, lahat ‘yun mami-miss ko.
Sayang di man lang kita nakitang tumugtog ulit ng drums.
Itutuloy namin ang karerang sinimulan mo. Hindi namin pababayaan si mama at mga mas bata mong mga anak.
Ang buhay ay sadyang ganyan, tayo ay mortal at may hangganan. Sobra akong nalulungkot pero wala kaming magawa kung hindi tanggapin ang pagkawala mo. Ako’y lubos na nagpapasalamat sa pinagsamahan natin, hindi lang kita naging ama kundi naging tropa, parang kapatid ko, kasi napaka-casual ng samahan na meron tayo. The best ka talaga, ikaw na ata ang pinaka-cool na tatay na kilala ko eh.
Maalala kita sa araw-araw, sa lahat ng karagatan, sa mga lugar na hindi ko pa napupuntahan at napuntahan. Mananalitiling nasa isip at puso — ikaw at ang mga ala-ala mo, habambuhay.
Maraming maraming salamat, Papa. Mahal na mahal kita.
Pinagsama-sama ko ang ilan sa mga road trip videos natin. Pakiramdam ko katabi pa rin kita at kasama habang pinapanood ko itong mga ito.
Papa, I love you from Pam Agustin on Vimeo.
Gumawa rin ako ng playlist natin, mga music na shinare mo sa akin. Naalala ko dati, lumalpit ako sayo kasi sabi ko, “ang ganda naman ng pinatutugtog mo..”
Pinatutugtog mo ang Drown by The Smashing Pumpkins. ‘Tas binigyan mo ko ng background about sa banda na ito.
Talagang iyak ako nang iyak habang pinapatugtog ko ito. Mamimiss ko ang pakikinig natin ng musika, at palitan ng knowledge about music, government, history, at lahat ng topic na pwede pa nating pagkwentuhan. Mahal na mahal kita, papa.
Susubukan ng buong lakas ko na ipagpatuloy ang mga sinimulan mo.
In memory of my music buddy, tropa, kuya, my loving father. Rest in peace, Papa.